14 ‘persons deprived of liberty’ sa Palawan pinalaya sa Araw ng Kalayaan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 07:24 PM

Kasabay ng paggunita ng Araw ng Kalayaan ng bansa ang umpisa naman ng panibagong-buhay ng 14 inmate ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City. Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan—Labing-apat na persons deprived of liberty (PDL) ng Iwahig Prison and Penal Farm sa lungsod na ito ang pinalaya kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, Miyerkoles.

Ang mga ito ay naging kwalipikado dahil sa good conduct time allowance sa ilalim ng Republic Act 10592. Ibig sabihin, tapat sila sa pagsunod sa mga panuntunan at dumaan sa repormasyon ng kolonya gaya ng religious, health, recreation at education programs.

Hindi makapaniwala ang isang PDL na kasama siya sa makalalaya. 

Nasa 11 taon ang kaniyang natapos sa dapat na 14 na taong sentensiya.

“Hindi ako maniwala. Sabi ng clerk doon sa amin, ‘Tay, parang ayaw mo lumabas dito sa Iwahig.’ Sabi ko, niloloko niyo lang ako, kasi sa loob uso ang biruan,” sabi niya.

Maaaring nakatulong aniya sa kaniyang maagang paglaya sa hindi niya pagiging pasaway sa loob. Hindi umano maiwasang maboryong sa loob, pero sa halip na gumawa ng kalokohan, naging aktibo siya sa pagsali sa mga programa sa simbahan.

“Kung ano-ano ang naiisipan na gawin kasi sobrang lungkot. Pero ako tiniis ko, sa Panginoon ako nagtitiwala. Awa ng Diyos, ito nakalaya na rin,” dagdag niya.

Sa paglabas sa Iwahig, babalikan niya ang mga anak, maghahanap ng trabaho, at gagamitin ang mga natutuhan sa loob para magbagong-buhay. 

“Sabi ko sa mga naiwan ko na kapwa bilanggo, sumunod lang. Huwag silang masyadong mag-apura. Hindi naman mauubos ang sentensya basta wala kang ginawang mali,” aniya.

Paliwanag ni correction technical operation-2 Levi Evangelista: “Ang pagko-compute ng kanilang good time conduct allowance, ito ay nakakamit nila sa pamamagitan ng kung na-maintain nila ang magandang pagtupad sa pamunuan. ’Yung ating pinapatupad na mga alituntunin dito at sila ay sumusunod at katulad ng hindi pagpuga,” 

Sagot din ng kolonya ang kanilang gastos hanggang sa makauwi sila sa kanilang mga tahanan. Pakiusap ng pamunuan ng Iwahig sa mamamayan sa labas na huwag husgahan ang mga bagong-laya.

Sabi ni Gerardo Aro, superintendent ng Iwahig: “Sabi nga ni father, hindi lang natatapos sa pinagserbisyuhan mo ang sentensya mo, dapat humihingi ka ng tawad sa Taas. Bilang komunidad tanggapin natin sila, bigyan natin sila ng pagkakataon makapagbagong-buhay. ’Yan ang halaga ng kalayaan.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.