SILIPIN: P17-M rehab plan para sa Estero de Magdalena

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 10:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasado na ang tuluyang pagpapaalis sa mga pamilyang nakatira sa gilid ng Estero de Magdalena.     

Isa sa mga magre-relocate patungong Trece Martires, Cavite ay si Alicia Ruben na 24 taong namalagi sa kaniyang inilarawan bilang "bahay ng posporo." 
    
"Masayang-masaya ako at makakaalis na ako rito. Sino ba namang gustong tumira sa gilid ng estero?" galak na kuwento ni Ruben. 

Sa pag-alis ng ilang pamilya sa Hunyo 22 at 29, kahit papaano'y bahagyang makakahinga ang naghihingalong estero at uusad na ang plano ng pamahalaan para rito. 

P17 milyon nakalaan para sa Estero de Magdalena

Idinetalye naman ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang kanilang plano sa isang kilometrong estero.

Balak nila itong punuin ng mga halaman at kalyeng madadaanan ng publiko. Pero giit nila, magagawa lang nila ito pag nalipat na ang lahat ng informal settlers. 

Anila, P17 milyon ang pondong inilaan ng gobyerno para sa isang taong rehabilitasyon ng Estero de Magdalena. 

Lahat ng ilalagay nila dito, may pakinabang tulad ng mga halaman, tiles, at solar-powered street lamps. 

Bagama't may mga residenteng desidido nang talikuran ang buhay sa estero, may ilan pa rin umanong madaling makalimot kahit paulit-ulit nang pinaaalalahanan. 

"Kulang na kulang 'yung willingness ng mga tao. Dapat makita nila na part sila ng solution...Kung paulit-ulit tayo, hindi tayo makaka-move on sa ibang proyekto," ani PRRC spokesperson Alyssa Miclat.
    
Pagmamalaki naman ng PRRC, 15 estero na ang kanilang nade-develop. Pero kung tutuusin, 30 porsiyento lang ito ng kabuuang 47 tributaries ng Pasig River. 
    
Pero ang maganda raw ngayon, kahit paano'y umuusad na ang kanilang plano na bigyan ng panibagong pagkakataon, hindi lang ang mga estero, kung hindi ang mga pamilyang nagtitiis sa mga lugar na ito.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.