Paternity leave para sa tatay na hindi kasal, pinapayagan ba ng batas?

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 06:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kapag malapit nang manganak ang kinakasama ng isang lalaki, posible ba niyang makuha ang benepisyo ng paternity leave sa kompanya na kaniyang pinagtatrabahuhan?

Ayon sa isang abogado, may mga salik na dapat matugunan bago payagan ang paghahain ng paternity leave.

Sa kasalukuyang balangkas ng Republic Act 8187 o 'Paternity Leave Act of 1996', hindi saklaw ng paternity leave ang mga lalaking hindi pa kasal sa kinakasama o mag-live-in partners.

"Kailangan legal na asawa, hindi puwede na nagsasama lang o live-in partner," ani Atty. Anna Maria Abad, dekano ng Adamson University College of Law.

"Hindi pinapayagan ng batas kasi ang rationale ay para panindigan ang family under the Constitution...kapag hindi siya kasal, hindi kinikilala ng batas," dagdag ni Abad.

'Cohabitation' bilang requirement

Nakasaad din sa batas na rekisito ang "cohabitation" o pagsasama ng mag-asawa sa iisang bahay bago makapaghain ang mister ng paternity leave.

"Sa totoo lang, dapat ini-interpret ang batas na ito nang liberal at hindi istrikto dahil ang intensiyon ng batas na ito ay makatulong ang asawang lalaki sa babaeng kapapanganak lang," ani Abad.

Giit ng abogado, dapat payagan ng kompanya ang lalaki na makapaghain ng paternity leave kahit na hindi nito nakakasama sa bahay ang misis nito.

"Dapat pinapayagan na 'yon for as long as they are able to go home, nakakauwi siya, nakakasiping niya 'yong asawa niya...that is already substantial compliance with the term cohabitation," paliwanag ni Abad.

Benepisyo ng paternity leave

Kinikilala ng batas ang karapatan ng mga mister na maalagaan ang kanilang misis na nanganak o malapit nang magsilang.

Matatamasa mula sa paternity leave ang pitong araw na bayad na pagliban sa trabaho.

Maaari lamang itong gamitin nang apat na beses o hanggang pang-apat na pagbubuntis ni misis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.