1 buwan bago magretiro: Mga huling banat ni Conchita Carpio Morales

Henry Omaga-Diaz, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 06:59 PM | Updated as of Jun 12 2018 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigit isang buwan na lamang bago ang nakatakda niyang pagreretiro, naghahabol pa rin si Ombudsman Conchita Carpio Morales sa mga opisyal na maaaring ginagamit ang posisyon para sa kanilang negosyo. 

Isa sa kaniyang pinakatinututukan ang kaso ni Solicitor General Jose Calida na may security agency na umano ay may mga kontrata sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno.

"Ibig sabihin kliyente mo ang NEDA dahil ikaw ay may security agency na nakipagkontrata sa'yo and at the same time kliyente mo rin ang NEDA dahil ikaw ang magrerepresenta sa kaniya sa husgado [bilang state counsel] so iyan ang mga tinitingnan ng investigators [na conflict of interest]," paliwanag ni Morales.

Nito lamang taon ay umarangkada na ang kasong paglabag sa anti-graft law laban sa kongresista at business tycoon na si Antonio Floirendo Jr.

Sa desisyon ng Ombudsman, natagpuang may posibleng paglabag sa batas si Floirendo nang pumasok sa panibagong kontrata sa gobyerno ang kaniyang kompanyang TADECO nung siya ay congressman na noong 2003.

Ginamit kasi ang may 3,000 ektaryang lupain ng TADECO bilang banana plantation ng Bureau of Corrections.

Isa sa pinakamayaman sa Kongreso si Floirendo na bukod sa pagiging congressman ay shareholder o mataas na opisyal din sa maraming kompanya sa bansa.

Sinisiyasat pa rin ng Office of the Ombudsman kung may iba pang kontrata sa gobyerno ang iba pang kompanyang konektado kay Floirendo.

"Maaaring walang kontrata pero may transaksiyon. Kung nakialam ka at sa batas ay bawal ka naman makialam, then posible na masampahan ka ng case."

Bukod kay Floirendo, may ilang opisyal din ng gobyerno ang hinahabol ng Ombudsman dahil sa conflict of interest bagama't ayaw pang banggitin ni Morales ang mga ito.

'Takipan', ikinabubuwisit ni Morales

Pero rebelasyon ni Morales, ang pinaka-ikinagagalit niya ay ang pagtatago ng pamunuan ng Kongreso sa mga impormasyon tungkol sa mga miyembro nito.
     
Simpleng kopya lamang daw ng Statements of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) ay ipinapaligoy-ligoy pa sila ng Kongreso.

"It's very frustrating na hindi ka makakuha ni anong dokumento. In fact, pag nakakuha sila ng subpoena, nako magreklamo na 'yung congressmen bakit daw kinukuhanan sila ng ganitong dokumento. Well," saad ni Morales.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.