Balyena natagpuang patay sa pampang sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2018 05:12 PM

Nakalubog pa ang kalahati ng katawan ng patay na balyena nang matagpuan ito sa baybayin ng Barangay Poblacion sa San Vicente, Palawan. JR Amora

SAN VICENTE, Palawan - Isang patay na balyena ang natagpuang nakalubog sa buhangin ang kalahating katawan sa baybayin ng Barangay Poblacion sa bayang ito noong nakaraang Biyernes.

Ayon sa City Environment and Natural Resources Office sa Roxas, isang mangingisda ang nakakita sa balyena. Agad naman itong pinuntahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng San Vicente at ng Municipal Environment and Natural Resources Office.

Kuwento naman ni Jo Annie Corvera, isang ecosystem management specialist, posibleng isang sperm whale ang naturang balyena na may habang 31 talampakan.

Nais na sana ng Department of Environment and Natural Resources na ilibing ang balyena para hindi na maging health hazard ngunit dahil sa laki nito at sa sama ng panahon, hindi pa nila ito magawa.

Dahil naman sa kakulangan ng tao, hindi pa naisasagawa ang necropsy sa balyena para malaman kung ano ang naging dahilan ng pagkamatay nito.

Tiniyak naman ng DENR na may nagbabantay na rito at oras na gumanda ang panahon ay agad naman itong ililibing.