2 patay, 7 arestado sa drug raid sa Talisay, Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2018 04:17 PM

TALISAY CITY, Cebu — Dalawa ang patay habang pito ang naaresto sa isang drug raid sa Barangay Manipis nitong umaga ng Linggo.

Nasawi sa operasyon ang mga suspek na sina Rubidel Gabiana at alyas "Efring" matapos umano makipagbarilan sa mga awtoridad.

Dinala pa ang dalawa sa ospital pero kalaunan ay binawian din ng buhay.

Ayon kay Cebu police director Manuel Abrugena, nagsagawa muna sila ng surveillance sa umano'y drug den ng mga suspek matapos makatanggap ng mga sumbong mula sa mga residente ng lugar.

Kasama sa mga naaresto sa operasyon ang isang 17 anyos na lalaki at isang babaeng kabilang sa watch-list ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.