Preso, pumuga sa Oas Municipal Jail

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2017 04:51 PM

OAS, Albay - Nakatakas ang isang detainee sa Municipal Jail ng Oas, Albay pasado alas-tres ng hapon nitong Biyernes.

Ayon sa chief of police ng Oas Municipal Police Station, nagsagawa sila, kasama ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology ng pursuit operation sa pugante na kinilalang si Gary Rangasajo.

Hanggang ngayon, hindi pa rin nahuhuli ang suspek na may kasong attempted rape.

Mag-iisang buwan pa lang na nakakulong ang suspek sa municipal jail.

Mayo 12 nang mahuli ito ng mga pulis matapos ang halos siyam na taon na pagtatago sa batas.

Ayon kay Chief Inspector Domingo Tapel Jr., talagang maliksi ang suspek kaya nang nasa kostudiya pa nila ito, bantay-sarado kahit naliligo.

Para sa pulisya, delikadong nakakagala sa ngayon ang suspek dahil may kapasidad itong gumawa ulit ng masama.

Hindi na muna humarap sa camera ang Bureau of Jail Management and Penology sa Oas at sinabing maglalabas sila ng pahayag ano mang oras mula ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.