ALAMIN: Proteksiyon ng batas kontra bullying

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2018 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa muling pagbabalik ng mga mag-aaral sa eskuwelahan, hindi maiaalis ang usapin sa paglaganap ng bullying sa klase.

Ang batas kaugnay rito ang tinalakay nitong Biyernes sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Ayon sa isang abogado, nakasaad sa Anti-Bullying Act of 2013 ang mga tuntunin na dapat sundin ng tagapamahala ng mga paaaralan at maging ng mga magulang upang maiwasan ang bullying sa eskuwelahan.

Maituturing na bullying ang ginagawa ng isang bata kung ito ay nanggugulo sa ibang tao sa pamamagitan ng pagsusulat, pagsasalita o pisikal na pananakit.

Bukod sa mga paaralan, sakop din ng batas ang social media.

"Ang nagiging liable dito ay kapwa estudyante na nambu-bully o nangha-harass, nagbibigay ng physical o verbal abuses sa kapwa estudyante," ani Atty. Claire Castro.

"Itong batas na 'to, ang kino-cover niya elementary at secondary, so definitely menor de edad ang pinag-uusapan natin...wala silang sinasabi na criminal liability," dagdag ni Castro.

Dahil hindi pasok sa edad ng may criminal liability ang kadalasang mga sangkot sa bullying, ang mga magulang ng mga ito ang mananagot sa batas. 

Posibleng maharap ang mga magulang sa kaso at pagbayarin ng danyos para sa perhuwisyo at pinsala na ginawa ng kanilang anak sa biktima.

Kapag napatunayang pinabayaan ng mga magulang ang kanilang anak, posible silang patawan ng kasong child abuse.

"Kapag nakita na ang mga magulang ay negligent, hindi tinuturuan ang mga anak nila kahit na ilang beses nang pinagsabihan na ang anak mo ay ganito, they can be held liable," dagdag ni Castro.

Ang pamunuan ng mga pribado at pampublikong paaralan ay obligadong bumuo ng panuntunan na nakabase sa mga salik ng batas para mabigyan ng impormasyon ang mga estudyante kaugnay sa bullying.

Kailangan din ay agaran ang aksyon ng pamunuan sa mga naitatalang insidente ng bullying sa paaralan. 

Maaaring matanggal o masuspende ang lisensya ng paaralan kapag nabigo sila na gawin ang mga ito.

Posible rin silang maharap sa kasong child abuse kung napatunayan na hindi tama ang paghawak nila sa mga kaso ng bullying.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.