Dating kasambahay, arestado dahil sa pangmomolestiya sa anak ng amo

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 09:29 PM

Arestado ang suspek na si Jayvee Ergino dahil sa pangmomolestiya umano sa anak ng kaniyang dating amo Kyodo/via REUTERS

LAOAG CITY- Arestado ang isang lalaki nitong Huwebes dahil sa pangmomolestiya sa anak na batang babae ng kaniyang dating amo.

Hinuli ang 26-anyos na si Jayvee Ergino sa kaniyang bahay sa Barangay 9, Laoag City sa bisa ng warrant of arrest na inilibas ni Judge Glenda Cabello-Marin ng Regional Trial Court Branch 124 ng Caloocan City.

Dating namasukan bilang kasambahay si Ergino sa Caloocan City. Hindi niya itinanggi ang paulit-ulit na pangmomolestiya sa anak ng amo sa loob ng tatlong taong pagtatrabaho niya roon.

“Hindi ko naman maikakaila yun kasi [nangyari] na eh. Kung kailangan harapin, eh 'di harapin. 'Di ko naman tatakasan yun," ani Ergino.

Paliwanag pa niya, nagawa niya ito dahil sa sobrang kalasingan.

“Nung panahong yun, alak ‘yung dumadaloy sa katawan ko. Kumbaga sa droga, hindi ko naiisip ang mga tama. Although ‘yung nangyari kasi noon, pinipigilan ko ang sarili ko pero may times kasi na nangyari na eh," aniya.

Pinagsisihan naman daw niya ang ginawa at nagsisikap nang magbago.

Kailangan ng suspek na maglabas ng P180,000 para makapagpiyansa. 

Sa ngayon, hindi pa masiguro ni Ergino kung magpipiyansa siya dahil kung hindi, dadalhin siya sa Caloocan City at ihaharap na sa korte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.