6 patay sa paglubog ng bangka sa Romblon

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2017 03:14 PM | Updated as of Jun 10 2017 04:57 AM

(4th UPDATE) Anim ang namatay at lima pa ang nawawala matapos lumubog ang isang pampasaherong bangka sa munisipalidad ng Romblon, Romblon, nitong Biyernes ng tanghali.

Ayon kay Sr. Insp. Ladylene Ambunan, deputy chief of police ng Romblon Municipal Police, ang mga nasawi ay sina Dr. Laudemir Famarin, Josephine Mutya, Annacel Makalipay, John Mark Mingo, at dalawang hindi pa nakikilala.

Lulan ng MB Alad Express ang 50 pasahero at 5 tripulante nang lumubog ito sa karagatan sa may bahagi ng Brgy. Agbudia, bayan ng Romblon, Romblon.

Sa naunang impormasyon mula kay Ambunan, kabilang sa namatay ang isang doktor, isang 1-anyos na bata, isa pang batang 9 na buwan pa lamang, at isang hindi pa nakikilalang babae.

Nailigtas naman na ang 42 pasahero na dinala na sa mga kalapit na ospital.

Patungo sa Romblon, Romblon ang naturang bangka mula sa bayan ng Magdiwang sa Sibuyan Island.

Sinasabing masama ang panahon sa Romblon nang mangyari ang trahedya.

Patuloy pa ang search and rescue operation sa mga nawawala pa. - Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.