Higit P40,000 water bill sa bahay na di tinitirahan inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2019 07:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo ng isang customer ng Manila Water ang pagpalo ng kaniyang bill sa mahigit P40,000 para sa kanilang bagong-patayong bahay na wala pa raw nakatira. 

Kuwento ng customer na si Tina Palacios, tinatapos pa lang ang kanilang bahay sa Pateros nang dumating ang bill sa tubig noong Setyembre 2018. 

Agad umano nila itong ini-report sa Manila Water at wala naman daw nakitang pinsala sa bahay.

“Pinuntahan nila dito. Nagtaka nga rin ’yung nag-inspect kasi wala naman siyang nakitang any problem sa bahay,” aniya. 

Pero kalaunan, lumabas na may tagas sa tubo sa ilalim ng lupa nina Palacios pagka-lagpas ng metro, at sila pa raw ang pinapagastos kung gusto nila itong ipaayos. 

"Etong underground leak malamang ang sira ay nandu’n sa ilalim at kongkreto ’yung nasa ibabaw,” ani Dittie Galang, spokesperson ng Manila Water. 

Nanindigan din ang kompanya na kailangan itong bayaran nina Palacios.

“Lahat po ng ating linya pagkatapos ng metro ay responsibilidad po ng customer,” ani Galang.

"Kung yung iba sinisingil natin base sa actual metro, gayundin ang para sa mga customers."
 
Binigyan ng opsyon sina Palacios na magbayad ng kalahati at babayaran sa loob ng 6 na buwan ang matitirang balanse. 

Pero masama raw ang loob ni Palacios dahil hindi naman daw nila nagamit ang tubig. 

" ’Yun ’yung gusto ko sanang bigyan nila ng konsiderasyon since wala namang nakatira talaga walang nakinabang sa binibill nila samin," ani Palacios. 

Kung hindi komporme sa alok ng water concessionaire, maaaring dumulog sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang nagre-reklamong konsyumer. —Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.