Nanay na inilalako ang 2 anak, 3 kapitbahay sa online pedophiles, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng mga awtoridad ang isang 35 anyos na babae na naaktuhang sangkot sa cyber pornography sa Capas, Tarlac.

Nadatnan ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC) ang mga nakahubad na batang lalaki nang salakayin ng pulisya ang isang bahay na ginagamit para sa online sex trafficking.

Nasagip ang limang bata na umano'y ginagamit sa ilegal na gawain. Dalawa rito ay anak ng suspek at ang tatlo naman ay anak ng kapitbahay. Kabilang sa mga na-rescue ay isang sanggol na anim na buwan pa lamang.

Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, posible na walang alam ang kapitbahay na ginagamit ang kanilang mga anak sa prostitusyon.

Ikinasa ang pagsalakay sa pakikipag-ugnayan ng Federal Bureau of Investigation (FBI), Dutch Police, at Australian Federal Police.

"Nag-emanate itong information sa pagkahuli ng isang Irish national, tapos based on that, nag-request sila ng assistance dito. Na-trace nila na ang mga kausap nito ay nagmula dito sa Pilipinas," ani PNP-WCPC director William Macavinta.

Aniya, maaari na may listahan ng mga Pinoy na kinokontak ang mga pedophile sa ibang bansa. 

"May mga referral na nangyayari kaya nagkakaalaman sila...Binabanggit kung sino ang mga kaparehas niya na ganon din ang gawain, nagkakaroon ng referral sa mga kliyente," ani Macavinta.

"Mas gusto nila dahil kahit pa barok nakakasalita ng Ingles. accessibility po sa internet, nandoon isa 'yon sa dahilan kung bakit naging paborito nilang target," dagdag ni Macavinta.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.