ALAMIN: Magkano ang budget ng gobyerno para sa paglilinis ng mga estero?

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2018 09:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Opisyal nang pumasok ang tag-ulan kaya mistulang nakikipagkarera ang mga ahensiya ng pamahalaan para malinis ang mga estero bago sila maabutan ng posibleng baha.

Hindi biro ang pondo ng national at local government para mahango ang basura mula sa mga estero at sa Pasig River. 

Ang Manila LGU, gumagastos ng P50 milyon para hakutin ang mga basura sa lungsod habang P252 milyon kada taon naman ang inilalaan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) para sa pag-aayos ng Ilog Pasig at mga esterong konektado rito. 

Pero ang pinakamalaking pondo ay nasa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sinabing P1 bilyon ang inilalaan nila para sa mga sari-saring operasyon malinis lang ang mga estero.

"Ang budget sa paglilinis ng estero, approximately, [pati] sa flood control nasa P1 billion... Ang mandato ngayon, cleaning lang dahil hindi hawak ng MMDA ang relocation ng mga informal settlers," ani MMDA general manager Jojo Garcia. 

Ayon sa PRRC, naghahanda na sila para sa paglilipat ng mahigit 1,000 pamilya mula Estero de Magdalena papuntang Trece Martires, Cavite. 

"We have already relocated 17,000 families. [Pero] may 16,700 pang kailangan mailipat sa mga relocation site," giit ni PRRC executive director Jose Antonio Goitia. 

Panawagan naman ng mga ahensiya, sana ay tumulong din sa paglilinis ang mga residente.

Batas na nangangasiwa sa tamang pagtatapon ng basura

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero hindi lamang sa mga estero makikita ang problema sa basura. 

Ayon kay Arnold Paguio na higit isang dekada nang trash collector, walang pagbabago sa pagtatapon ng basura ang maraming residente.

Pinaghahalo pa rin kasi nila sa isang trash bag ang lahat ng klase ng basura.

"Halo-halo na po 'yan. Hindi kasi namin matanggihan ang mga residente eh...Tanggap lang kami nang tanggap ng basura kasi kung hindi aawayin kami ng mga residente," ani Paguio.

May dalawang klasipikasyon ng basura: ang "biodegradable" o nabubulok gaya ng tirang pagkain, pinagbalatan ng prutas at gulay habang ang isa naman ay "non-biodegradable" o mga hindi nabubulok tulad ng karton at mga plastik.

Malinaw sa batas na Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na inoobliga ang mga residente na mag-segregate o paghiwalayin ang basura para sa maayos na pagtatapon nito.

Nasa batas rin na maaaring magmulta at makulong ang hindi maghihiwalay ng kanilang mga basura. 

Pero aminado ang mga lokal na pamahalaan gaya ng Quezon City--kung saan aabot sa higit 1,700 toneladang basura ang nakokolekta kada araw--na hindi ganoon kadali ang magpatupad ng batas na ito.

"Mahirap ang 100 percent compliance talaga... That's why focus kami sa information dissemination campaign," pag-amin ni Frederika Rentoy, pinuno ng QC Environmental Protection and Waste Management Department.

Mahalaga raw na maipamulat sa mga residente ang kanilang tungkulin kaya may mga nag-iikot na ring campaigner sa bawat barangay para tulungan at turuan sila ng tamang segregation ng basura.

--Ulat nina Raphael Bosano at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.