Mga hakbang kontra-dengue sa mga paaralan, nais paigtingin ng DOH, DepEd

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 06:33 PM

Nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko lalo na sa mga eskuwelahan na paigtingin ang mga hakbang para maiwasan ang paglaganap ng dengue at iba pang sakit na dala ng lamok ngayong tag-ulan.

Ipinaliwanag ni Assistant Secretary Eric Tayag na kadalasang nangangagat ang mga lamok na nagdadala ng dengue tuwing umaga kung kailan nasa paaralan ang mga bata. Mga bata rin ang karamihang namamatay sa dengue. 

Dahil dito, nakipag-ugnayan sila sa Department of Education (DepEd) bago pa man nagbalik-eskuwela para masiguradong handa ang mga paaralan lalo na sa panahon ng tag-ulan.

"Dengue virus ay dala ng lamok na nangangagat sa araw, kasagsagan mula 10am hanggang pagabi. Ibig sabihin, ang mga mag-aaral na nasa paaralan ay maaring makagat ng lamok kaya nakipag-ugnayan sa DepEd. Bago pa magbalik-eskuwela, hinanap na ang pamugaran ng lamok," ayon kay Tayag.

Paalala rin ni DOH Regional Director Dr. Francisco Mateo sa mga magulang na tiyaking nababantayan ang kalusugan ng mga estudyanteng nasa paaralan dahil ngayong tag-ulan, inaasahang tataas na naman ang kaso ng dengue. 

Patingnan agad sa doktor ang bata kung nilalagnat na ito nang dalawang araw.

Mayroon ding isinasagawang Rapid Dengue Tests sa mga DOH hospital upang agad na makita kung may dengue ang isang tao. 

Gayunpaman, hindi lahat ng magkakaroon ng dengue ay kailangang magpaospital. Maaaring maobserbahan muna ang pasyente, at saka magpagaling sa bahay at uminom ng tamang gamot. 

Inabisuhan na rin ang lokal na pamahalaan na huwag basta-bastang magsagawa ng fogging o space spraying. 

Mayroong 180,000 kaso ng dengue taon-taon mula 2010 hanggang 2015. Nakapagtala naman ng 220,000 kaso ng dengue, at 1,000 namatay dahil dito noong 2016.

Mga kaso ng dengue sa Pangasinan, General Santos

Pumalo naman sa 22 ang kumpirmadong namatay sa halos 5,000 kaso ng dengue sa Region 12, ayon sa report ng mga local health official.

Naglunsad na rin ng regional dengue summit ang DOH sa General Santos City upang di na tumaas pa ang bilang na ito.

Tinukoy ng DOH ang mga lugar sa rehiyon na may matataas na kaso ng dengue, kabilang ang Cotabato City, mga bayan ng Alabel, Glan, Kiamba at Malapatan sa Sarangani Province. Kasama na rin din dito ang GenSan at ilang lugar sa Sultan Kudarat.

Sa Pangasinan naman, nagsilbing paalala sa mga taga Lucao, Dagupan City ang pagkamatay ng kanilang kabarangay na isang apat na taong gulang na batang babae dahil na rin sa dengue fever. 

Umabot ng stage 4 ang dengue fever ng batang babae. Akala ng mga magulang, simpleng lagnat lamang ito.

Ang dalawang anak ni Jerry Capitle, magkasunod na isinugod sa Pangasinan Provincial Hospital (PPH) matapos makitaan ng sintomas ng dengue.

Ayon sa Pangasinan Health Office, umabot na ng 23 ang kaso ng suspected dengue patient sa PPH habang halos 500 kaso na sa buong Pangasinan kaya epektibo pa rin na panatilihing malinis ang paligid.

Paano makaiiwas sa dengue?

Maiiwasan ang dengue at iba pang sakit na dulot ng lamok kung susundin ang kampanya ng DOH na 4S. 

Search & Destroy- Hanapin at sirain o tanggalin ang mga lugar na pinamumugaran ng lamok. Tanggalin ang mga bagay tulad ng gulong o timba na may tubig dahil maaari itong pangitlogan ng lamok.

Self-protection- Protektahan ang sarili mula sa lamok. Gumamit ng mosquitto repellant kung maaari. 

Seek early consultation- Agad magpatingin sa doktor sakaling makitaan ng sintomas na dengue fever gaya ng taas-babang lagnat lagnat nang higit sa dalawang araw, rashes at pagdurugo.

Say 'no' to indiscriminate fogging- Huwag basta bastang magsagawa ng fogging at sabihan ang mga taong gumagawa nito. 

--Ulat nina Elaine Fulgencio, Jay Dayupay, at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.