AFP, umaasang makakapag-'Independence Day' ang Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 07:15 PM | Updated as of Jun 09 2017 02:12 AM

Bandila sa city hall, bantay-sarado mula sa mga terorista

Umaasa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na pagsapit ng ika-12 ng Hunyo, maipagdiriwang din sa Marawi ang Araw ng Kalayaan. 

Bagamat walang binitawang deadline si AFP Chief of Staff General Eduardo Año, ito ang hiling nila para sa mga mamamayan ng Marawi City. 

"Hopefully by June 12, tapos na ang lahat so we can celebrate with color. Ah yes, 'yung military threat," sabi ni Año. 

Unti-unti na raw humihina ang Maute group na mahigit dalawang linggo nang nakikipagbakbakan sa tropa ng gobyerno. Bantay-sarado naman sa kapitolyo ang pinakaiingatang yaman ng city hall—ang bandila ng Pilipinas na gustong payukurin at palitan ng mga terorista. 

Nakatakda sanang iprisinta ng militar kay Pangulong Duterte ang sandamakmak na baril, ISIS flag, marijuana, at perang narekober mula sa Maute group nitong mga nagdaang araw. 

Pero hindi nakarating ang Pangulo sa Camp Ranao dahil sa sama ng panahon. Sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Office of the Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza at iba pang matataas na opisyal ng AFP ang humarap sa media. 

Lahat sila, nagulat sa taas ng kalibre ng mga armas ng kanilang kalaban. Pero sinabi nila, unti-unti nang nagagapi ang mga terorista. Napasok na rin nila ang mga lugar na dati’y kontrolado ng Maute. Ang prayoridad nila ngayon, sundin ang mandato ng Pangulo na isalba ang mga sibilyang naiipit pa rin sa sentro ng bakbakan. 

Ngayong araw, 38 sibilyan muli ang nailigtas ng rescue teams. Tinitingnan na rin ang pag-aayos sa Marawi lalo na ang mga istrukturang pinadapa at gumuho sa airstrikes. 

Samantala, arestado sa Cotabato ang 18 anyos na lalaking kinilala bilang si Abdulrafi Esmael Piang Abdulrahman. Sinasabing ni-recruit siya ng Maute. Wala pang pahayag ang suspek tungkol sa pag-uugnay sa kaniya sa rebelyon. 

Sa Maguindanao naman, apat na menor de edad na lalaki ang nailigtas ng pulisya mula sa mga taong nanghihikayat daw sa kanilang umanib sa Maute. Pinangakuan daw sila ng P100,000 para maging miyembro at pasusuwelduhin nang hanggang P30,000 kada buwan kung sumali sa mga terorista.

Sasailalim sa counseling ang mga nasagip na menor de edad na nasa kustodiya na ngayon ng Department of Social Welfare and Development. Tinutunton naman ang mga nagtangkang mag-recruit sa kanila.

Sapul sa CCTV: Paglusob ng Maute sa Amai Pakpak

Nakunan sa CCTV ng Amai Pakpak Hospital ang unang pag-atake ng mga armadong lalaki. Makikita na bigla silang sumulpot sa harap ng ospital. Nilapitan ang guard house, sabay kuha sa armas ng guwardiya.

Makikita rin na pinaluhod nila si Senior Inspector Freddie Solar, bago pinapasok sa may looban ng ospital. Nakunan pa si Solar na nakataas ang kamay. Ilang saglit pa, binaril at pinatay na ang pulis.

Kita naman sa labas ng ospital ang umaagos na dugo sa kalsada mula sa isa pa umanong sibilyan na pinatay din ng Maute.

Nakunan din ang pagtangay ng Maute sa isang ambulansiya ng gobyerno na malapit sa Marawi City Hall.

Ngayon lang muling tumapak sa loob ng city hall si Mayor Majul Usman Gandamra para tingnan ang sitwasyon doon. Hindi siya nakabalik sa gusali ng 13 araw dahil sa bakbakan. Pero bago siya lumikas noong sumiklab ang gulo, ilang araw munang nanatili sa kapitolyo ang alkalde para tiyaking hindi mapapasok ng Maute ang itinuturing na sentro ng kapangyarihan ng lungsod.

Dinepensahan ng mga opisyal ng pulis at mga sundalo ang gusali kung saan nagtakbuhan din at nakitago ang maraming residente. Binarikadahan nila ang city hall para di makalusot ang mga kalaban.

Ngayon, bakas sa mga pader ng city hall ang tama ng mga bala mula sa mga kalabang sniper na gustong mapasok at makamkam ang gusali. Basag-basag din ang mga salaming bintana. 

Pero kung mayroong pinakabantay-sarado sa kapitolyo, iyon ang bandila ng Pilipinas na nakatirik pa rin sa gusali. Ayon sa alkalde, lalabanan nila ang anumang tangkang palitan ng mga terorista ang bandilang sumisimbolo sa kasarinlan ng bayan. Nagsisilbing paalala rin daw sa kanila ang watawat, na kahit anong mangyari, titindig sila para gampanan ang tungkulin. 

-- Ulat nina Raphael Bosano, Jeff Canoy, Lore Mae Andong, at Jasper Acosta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.