Travel authority, maaaring kunin sa police chiefs, station commander

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 10:34 AM

A police officer inspects a motorist at a checkpoint along España Boulevard in Manila on the first day of the modified enhanced community quarantine (MECQ) on May 18, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA - Maaaring kumuha ng travel authority sa mga chief of police at station commander ang mga locally stranded individuals (LSIs) at iba pang may kaugnayan sa pamilya at medical emergencies.

Ayon kay Joint Task Force COVID-19 commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, hindi ito tulad dati na ang travel authority ay naka depende sa desisyon ng point of destination o sa lugar na patutunguhan ng mga LSIs.

Banggit ni Eleazar, kailangan lamang magpakita ng medical clearance certificate at may patunay na walang COVID-19 ang babiyahe.

Matapos makakuha ng travel authority, ang help desk na ng police station ang makikipag-ugnayan sa istasyon ng point of destination para mapayagang makapasok sa partikular na lugar.

Ang medical certificate mula sa lokal na health office at travel authority mula naman sa local police station kung saan naroroon ang mga LSIs ang tanging requirements para sila ay makauwi na.

Marami ang na-stranded nang ipatupad ang community quarantine sa bansa upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.