Illegal clinic para sa mga Chinese nilusob sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 08:32 AM | Updated as of Jun 07 2020 08:49 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nilusob ng mga awtoridad ang isang ilegal na clinic para umano sa mga Chinese sa lungsod ng Parañaque madaling araw ng Sabado.

Sa bisa ng search warrant, pinuntahan ng Parañaque Intelligence Unit, City Health Office at Business Permit and Licensing Office ang lugar at natuklasang walang permit ang clinic.

Nakita ang 237 kahon at plastic bags na may lamang Chinese medicine at medical supplies. Ang iba rito umano ay hinihinalang ginagamit para sa paggamot ng COVID-19.

Ayon kay Metro Manila police chief Major Gen. Debold Sinas, ginawa ang operasyon matapos magsumbong ang isang informant ukol sa ilegal na clinic sa isang gusali sa Roxas Boulevard, Barangay Baclaran.

Inaalam na ng mga pulis kung sino ang may-ari ng clinic dahil walang tao sa loob ng clinic noong ni-raid ito.

Ang gusali ng clinic ay dati na ring na-raid dahil sa illegal sex den na para din sa mga Chinese.

Nauna nang ni-raid ng mga awtoridad ang isang illegal clinic sa isang subdivision sa lungsod, sa Pampanga, at sa Makati.

--Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News