1 patay, 2 sugatan sa pananaksak ng mga kabataan sa Tondo

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2020 10:21 AM

MAYNILA — Patay ang 18-anyos na lalaki, habang 2 ang sugatan sa riot ng mga kabataan sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng gabi. 

Kinilala ang nasawi na si Marcelo Tacad na nagtamo ng 3 saksak sa katawan matapos mapasabak sa away sa kanto ng Perla at Sevilla Street, ayon kay Police Capt. Henry Navarro ng Manila Police District Homicide Section.

Habang duguan sa kalye, nirespondehan siya ng 2 kaibigan — isang menor de edad at isang 19-anyos — na sinasaksak din ng 4 na suspek.

Dinala sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang mga biktima.

Hindi naisalba ang buhay ni Tacad dahil sa matinding sugat na tinamo sa dibdib, tiyan, at kilikili. 

Sa follow-up operation ng Don Bosco Police Community Precinct, naaresto ang 3 sa mga suspek — 2 sa kanila ay menor de edad. 

Tinutugis pa ang isang 19-anyos na suspek.

Patuloy ang imbestigasyon, pero lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya na crime of passion ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.