Magulang ng mga nasagip na menor de edad, hiling na maibalik na ang mga anak

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 11:32 PM

MAYNILA - Sumugod sa Department of Justice sa Padre Faura nitong Biyernes ang magulang ng 15 menor de edad na nasagip mula sa human trafficking sa Antipolo noong Huwebes.

Hiniling mga magulang na ibalik na sa kanila ang mga anak dahil tapos nang maisailalim sa inquest ang 2 suspek.

Katwiran nila, hindi naman sangkot sa krimen ang mga anak na nagpaalam na mag-outing lang kasama ang mga barkada.

Bukod sa 15 menor de edad, na-rescue ang 11 iba pang kababaihan na umano'y ibinubugaw ng dalawang suspek sa halagang P4,000 hanggang P5,000.

Pero ayon sa Department of Social Welfare and Development, mananatili muna sa kanilang kustodiya ang mga bata dahil may mga proseso pang isasagawa tulad ng debriefing at ilan pang legal na hakbang.

Hanggang ngayon ay tengga pa sa loob ng DOJ compound ang nasa 4 sasakyan na magdadala sa mga narescue sa 2 hiwalay na shelter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.