Illegal blasting at quarry sa La Trinidad, inirereklamo

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 02:34 AM

Pinahihinto na ng DENR ang pagpapasabog at quarrying sa isang lote sa Barangay Shilan, La Trinidad. ABS-CBN News

Inirereklamo ng mga residente ang pagpapasabog ng bundok sa isang lote sa Pagal Road, Shilan, La Trinidad, Benguet.

Bukod sa malakas na ingay, nag-umpisa na rin itong magdulot ng mga basag sa mga salamin at crack sa mga gusali ng mga bahay malapit sa site.

“Nasa labas kaming lahat may kaunting kainan tapos lahat ng mga batong tumalsik dito sa bubungan namin narinig din ng buong community talaga. Pati mga pagkain natalsikan ng mga bato,” kwento ng residenteng si Jennifer Ocampo.

Matagal na raw nilang inirereklamo ang pagpapasabog sa lugar pero wala raw nakitang ebidensya ang mga pulis at walang taong nahuli sa akto.

Maging ang barangay, sinabing walang permit ang pagka-quarry doon.

“Matagal na [ang] quarrying pero nung naibenta na for housing, ang gagawin sana nila yung kwan, mga bato aalisin para may pwedeng pagtayuan ng mga bahay,” ani Jeffrey Maslag, punong barangay ng Shilan.

Iniimbestigahan na ngayon ng munisipyo ng La Trinidad kung may permit bang naibigay sa mga may-ari ng lote para i-develop ang lupa. Hindi rin daw dapat basta-bastang nagba-blasting, lalo na kung walang pahintulot.

“Dapat mayroon din yung mga mitigating na structures this retaining walls, riprap para hindi masisira yung neighbor niyo next door,” ani Engr. Vicente Perez Jr.,Municipal Planning and Development Coordinator.

Sinubukang hingan ng pahayag ng ABS-CBN News ang caretaker ng lote at tinawagan ang may-ari pero hindi sila sumasagot.

Inilapit din ng ABS-CBN News ang problema ng mga residente sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Agad silang nagpadala ng Technical Working Team para suriin ang lugar. Nagpositibo ito sa ilegal na pagka-quarry at agad na binigyan ng stoppage order.

“With the topography, the terrain that we have. Whatever you do doon sa top eh may adverse effect doon sa baba,” ani Engr. Ralph Pablo, regional director ng DENR-Cordillera Administrative Region.

Oras na muling mag-operate, pagkakakulong ng hanggang 6 na taon ang maaaring harapin ng mga may-ari ng lote dahil paglabag ito sa Philippine Mining Act.

Bukod sa pagkasira ng bundok at posibilidad ng pagguho, maaaring makontamina ng lupa ang mga kalapit na ilog sa lugar. Ginagamit ang mga batong nahuhukay mula sa pagka-quarry para sa construction tulad ng paggawa ng aspalto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.