10 Vietnamese huling nangingisda sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2019 02:03 AM

Larawan mula sa BFAR Cagayan Valley

SANTIAGO CITY, Isabela - Nahuli ng mga awtoridad ang 10 Vietnamese na naaktuhang nangingisda sa karagatan ng Calayan Group of Islands sa Cagayan.

Namataan ang mga Vietnamese habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Coast Guard (PCG) noong Sabado ng madaling-araw.

"Nang papalapit na ang mga enforcer, tumangka ang mga Vietnamese na tumakas. Pinatay nila ang ilaw at saka pinutol nila ang naka-deploy na fishing gear, pero nahabol din sila," ani G. Max Prudencio Jr., information officer ng BFAR Cagayan Valley.

Nasabat sa mga Vietnamese ang mga isdang yellowfin tuna, shark, blue marlin, at dorado na may halagang P80,000.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10654 o The Philippine Fisheries Code of 1998 ang mga dayuhan.

Nasa kustodiya ng BFAR ang mga Vietnamese at 2 fishing vessel nito. - Ulat ni Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.