Magulang ng batang may cerebral palsy, humihingi ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 10:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humihingi ng tulong ang mga magulang ng isang taong gulang na batang na-diagnose na mayroong cerebral palsy sa Bokod, Benguet.

Sa pagtatanim ng gulay kumukuha ng pantustos sa pangangailangan ang mag-asawang Marcelino at Fely Sana-oy.

"Nagtanim ako ng kamote para may kainin kami...kapag wala kaming pera nanghihiram kami para may pambili ng bigas," ani Marcelino.

Nagtrabaho bilang machine operator si Marcelino ngunit kinailangan niyang tumigil nang maputol ang kaniyang daliri.

Bukod sa pag-iisip kung saan kukuha ng pantustos sa araw-araw, inaalala rin ng ama ang kakaibang kondisyon ng anak na si Kee-Yah.

"Napansin namin na nagduduling [at] hindi siya makatayo...gusto ko po sana na maipagamot [kaso] kulang kasi kami sa pera, wala kaming pinagkakakitaan," dagdag ni Marcelino.

Ayon sa doktor na sumuri kay Baby Kee-Yah, mayroon itong cerebral palsy, isang kondiyon kung saan nagkakaroon ng problema sa pag-develop ng utak kaya naapektuhan ang kilos ng sanggol.

"Ito yung condition niya na nagkaproblema o delay ang development sa brain niya, so paggalaw niya apektado talaga," ani Dr. Leanith Haya ng Baguio General Hospital and Medical Center.

"For physical therapy, we already teached the parents. 'Yong therapy, makatutulong para mapalakas ['yong bata]," dagdag ni Haya.

Nagbigay din ng mapagkakakitaan ang Department of Social Welfare and Development Cordillera Administrative Region kay Marcelino.

Ngayon ay patuloy ang therapy ni Baby Kee-Yah na inaasahang magpapabuti sa kaniyang kalagayan.

Para sa mga nais tumulong para sa tuluyang paggaling ni Baby Kee-Yah, maaaring ideposito ang inyong donasyon sa sumusunod na bank account:

Account Name: ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.
BDO account number: 005630050932

Maaari ring makipag-ugnayan sa Lingkod Kapamilya sa numerong 415-2272 loc. 5409.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.