'Dagdag sa take-home pay sa TRAIN, di ramdam dahil sa dagdag-presyo'

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 07:40 PM | Updated as of Jun 08 2018 12:18 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tumaas ang take-home pay ng mga manggagawang mas mataas sa minimum wage ang sahod kasunod ng binagong sistema ng income tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Gayunman, ayon sa ilang manggagawa, hindi sapat ang dagdag take-home pay para makaagapay sa biglang pagmahal din ng mga bilihin.

Isa ang business development officer na si Bong Sakandal sa mga natuwa pa nang makitang nabawasan ang kinakaltas sa kaniyang income tax. 

Kalauna'y napansin ni Sakandal na napupunta rin lang sa kaniyang pang-gasolina ang inakalang magiging savings niya mula sa dagdag na take-home pay.

Presyo rin ng gasolina ang idinadaing ng marketing officer na si Richard Mariano.

Sabi niya, dati-rati'y nakakapagpa-full tank siya o nakakapagpuno ng tangke ng sasakyan sa halagang P1,300. Ngayon daw, pumapalo na sa P1,900 ang gastos niya sa full tank.

Nagtaasan din ang iba pang bilihin kaya sabi ni Mariano, hindi niya rin maramdamang lumaki nga ang kaniyang iniuuwing sahod.

Lalo namang ramdam ng security guard na si Rene Rabago ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin.

Kumikita siya ng minimum wage na noon pa ma'y di na kinakaltasan ng buwis kaya walang nadagdag sa kaniyang take-home pay nang ipatupad ang TRAIN law.

KARANIWANG GASTUSIN

Batay sa 2014 Consumer Finance Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas, pagkain, transportasyon, at kuryente ang ilan sa pinakapinagkakagastusan ng mga Pilipino.

Distribution of Annual Household Expenditures:
Food and beverages consumed at home 42.7% 
House rent 12.2% 
Regular transportation 9% 
Education 6.5% 
Food and beverages consumed outside of home 6.4% 
Electricity 6.2% 
Medicine and medical services 3.7% 
Communication/s 3.1% 
Housing repairs and maintenance 2.5% 
Kerosene/gas 1.6% 
Water 1.5% 
Clothing 1.2% 

Tingin ng grupong United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), pinakamainam na gawin ngayon ng gobyerno ay suspendihin muna ang excise tax sa petrolyo at sa mga sugar-sweetened beverage o inuming may asukal para makontrol ang presyo ng mga naturang bilihin.

Dati na ring ipinananawagan ng grupong Laban Konsyumer ang pag-alis ng value-added tax at biofuels sa langis na anila'y nagpapataas sa presyo nito.

May proteksiyon namang nakapaloob sa TRAIN law na maaaring ipatigil ang buwis sa petrolyo kapag naging $80 ang 3-month average sa presyo ng krudo sa world market.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.