ALAMIN: Sino-sino ang binibigyan ng pabahay ng NHA?

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2018 06:01 PM | Updated as of Jun 07 2018 06:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabilang sa mga pagsubok na kinakaharap ng gobyerno ang pagdami ng pamilyang Pilipino na walang sariling tirahan.

May kaugnayan dito ang isyung tinalakay nitong Miyerkoles sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM.

"The challenge is, mas malaki ang demand kaysa supply...mas marami ang nangangailangan ng pabahay kaysa kayang tugunan ng pamahalaan," ani Elsie Trinidad, spokesperson ng National Housing Authority (NHA).

Sa kabila ng "mababang" budget ng ahensiya ay patuloy umano na tinutugunan ng NHA ang mandato nito na nakasaad sa Presidential Decree 757 at RA 7279.

Aniya, pangunahing ginagawa ng ahensiya ang pagbibigay ng pabahay sa mga informal settlers o mga pamilyang umokupa sa mga lugar kung saan wala silang katibayan ng pagmamay-ari.

Karaniwan aniyang matatagpuan ang mga ito sa delikadong lugar tulad ng creek at waterways.

May pabahay rin para sa lowest 30% ng income earners o kumikita ng P10,000 pababa.

May nakalaan din ang NHA para sa mga pamilyang matatamaan ng mga ipapatayong proyekto ng gobyerno.

Makatatanggap din ng pabahay ang mga nawalan ng tirahan bunsod ng kalamidad at maging ang mga pamilyang natupok ang tahanan dahil sa sunog at kaguluhan.

May mga pabahay rin ang NHA para sa mga nagtatrabaho sa pormal na sektor ngunit mababa ang kinikita. Kadalasan aniyang kumukuha nito ang mga guro.

May nakalaan din para sa mga sundalo na kabilang sa tatlong pinakamababang ranggo. Kasama rin sa makatatanggap ang pamilya ng mga sundalong nasugatan o nasawi habang nakikipagbakbakan.

Sa pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ay makapagbibigay na rin aniya ng pabahay para sa mga dating rebelde o returnees.

Giit ng ahenisya, dadaan sa masusing eksamin ang mga posibleng mabigyan ng pabahay upang malaman kung pasok ang mga ito sa kondisyon ng NHA.

Dagdag ng NHA, hindi libre ang mga ipinamamahaging mga bahay ngunit sinisigurado umano na abot-kaya ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.