QC LGU: Negatibo sa COVID-19 ang 30 barangay workers

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 04:24 AM

Naglinaw nitong Sabado ng madaling araw ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na ang 30 empleyado ng Barangay South Triangle ay negatibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa kanilang pahayag, lumalabas sa evaluation ng City Health Department's Epidemiology and Surveillance Unit (QC-ESU) na ang mga nasabing barangay employee ay igG positive ngunit 'di nangangahulugan na may COVID-19 ang mga ito.

Hindi na rin isinailalim sa swab test ang mga nauna nang napabalitang nagpositibo sa sa virus dahil agad din silang idineklarang negatibo sa COVID-19.

Nagkaroon umano ng kalituhan sa pagsasagawa ng rapid test sa mga baranggay workers ng Barangay South Triangle dahil sa kawalan ng experto habang isinasagawa ang rapid test.

Papatawan ng kaukulang disciplinary measures ang mga baranggay officials ng South Triangle dahil sa paglabag sa Item No. 6 ng Responsibility of the Barangays, kung saan nakasaad na nagre-require sa lahat ng barangay na kumuha muna ng approval mula sa city health department bago magsagawa ng kahit anong health o safety measures sa kanilang nasasakupan.

Matatandaan na nitong Huwebes, nagsagawa ng COVID-19 rapid test sa 168 barangay employee ng Barangay South Triangle.

Agad na ipinost sa official Facebook page ng barangay na may 30 barangay workers ang nag-positibo sa COVID-19 rapid test dahilan para isuspinde ang operasyon ng barangay sa loob ng tatlong araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.