Lalaking estudyante, panibagong kaso ng COVID-19 sa General Santos City

Francis Kiko Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 03:12 AM

Kumpirmado na isang panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naitala ngayong Biyernes sa General Santos City, batay sa ulat ng SOCCSKSARGEN Region Center for Health Development.

Isang 22 anyos na lalaking estudyante na galing sa Cebu City ang pasyente.

Sa panayam kay City Mayor Ronnel Rivera, isang locally stranded individual (LSI) ang estudyante na dumating sa lungsod noong Mayo 31 sakay ng isang eroplano. 

Noong una, hindi umano ito nagpakita ng sintomas ng sakit pero kalaunan ay nagkasintomas ito habang naka-quarantine.

Ngayon lang lumabas ang resulta ng swab test niya, kaya inilipat siya sa COVID facility ng siyudad. Nasa mabuting kundisyon na ang pasyente sa ngayon.

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng siyudad na walang dapat ipag-alala ang mga residente dahil nasunod umano ang quarantine protocol.

Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang health authorities lalo na at mahigit sa 100 ang pasaherong taga-rehiyon na sakay ng eroplano.

Ang estudyante ang ikalawang naitalang positibong kaso sa siyudad at pang-28 positibong kaso sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.