3 nadagdag sa mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Caraga

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 03:14 AM

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Caraga nitong Biyernes na nadagdagan ng tatlong bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang rehiyon. 

Ang bagong mga kaso ay mga locally stranded individual (LSI) na dumating sa rehiyon nitong Mayo 23 at 27.

Ang unang kaso ay isang 32 anyos na lalaki na bumiyahe mula Quezon City sa pamamagitan ng land trip at dumating sa Caraga nitong Mayo 23.

Ang pangalawang kaso naman ay 28 anyos na lalaki at ang pangatlo ay isang 22 anyos na babae na parehong mula Cebu City at dumating sa Caraga nitong Mayo 27 sa pamamagitan ng eroplano.

Ang tatlong bagong kaso ay mga taga-Buenavista at Agusan del Norte, asymptomatic o walang iniindang sintomas at walang pre-existing medical condition. 

Ang dalawang lalaki ay naka-strict facility quarantine habang ang babae naman ay naka-home quarantine.

Ginagawa na ngayon ng DOH ang contact tracing sa mga nakasama ng tatlong bagong kaso.

Sa ngayon, umabot na sa 11 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon kung saan 4 na ang nakarekober.

Samantala, positibo ang unang follow up test ng 6th, 7th at 8th confirmed COVID case sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.