Nagnakaw ng cellphone sa estudyante sa Makati pinaghahanap

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 06:36 PM | Updated as of Jun 07 2019 11:17 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na umano ay nandukot ng cellphone ng isang Grade 7 student sa labas ng paaralan sa Makati City.

Nangyari ang insidente tanghali ng Martes sa Barangay Comembo.

Dinukot ng suspek ang cellphone mula sa bag ng babaeng estudyante, 11 anyos, at naglakad palayo, base sa kuha ng CCTV ng barangay.

Agad napansin ng estudyante ang nangyari kaya sinundan ang lalaki, na sumakay sa nakahintong jeep.

Muntik pang mahagip ng motorsiklo ang biktima habang tumatawid bago makalapit sa jeep.

Agad bumaba ng jeep ang suspek at sandaling kinausap ang estudyante.

Hiningi umano ng estudyante ang cellphone pero biglang tumakbo ang suspek, na hinabol naman ng estudyante.

Napatakbo ang suspek sa dead end kaya ibinalik ang cellphone ng bata.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City, nakausap na nila ang guidance counselor ng paaralang pinapasukan ng estudyante at sinabi raw nitong na-trauma ang estudyante sa paghabol sa suspek.

Mayroon na ring impormasyon ang pulisya ukol sa suspek, ani Simon.

Sinabi naman ni Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office, na paiigtingin nila ang police presence sa lugar.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.