LTO pinawalang-bisa ang lisensya ng lalaking nagmaneho sa passenger seat

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 05:40 PM

MAYNILA - Wala nang bisa ang driver's license at hindi na maaaring kumuha ng lisensya si Miko Lopez, ang lalaking nag-viral sa social media matapos makuhanang nagmamaneho ng sasakyan habang nasa passenger seat.

Sa inilabas na resolusyon ng Land Transportation Office ngayong Huwebes, bawal nang magmaneho ng sasakyan si Lopez.

Nahaharap din siya sa mga kasong speeding, reckless driving, hindi paggamit ng seatbelt at pagmamaneho ng sasakyan nang walang manibela.

Minultahan din si Lopez ng P9,000 para sa naturang mga paglabag.

Ayon pa sa LTO, hindi sumipot si Lopez sa pagdinig noong Mayo 29, na isang pagsasawalang bahala sa pagkakataong makapagpaliwanag o makipag-ugnayan man lang sa ahensya.

Giit ni Transportation Secretary Arthur Tugade, dapat magsilbing babala ang insidente sa lahat ng mga motoristang hindi sumusunod sa batas trapiko.

“Driving on public roads is a privilege. Owning a license is a privilege. When we use those roads, we partake in the shared responsibility of road safety," aniya.

"What Mr. Lopez did was an utter disregard for the safety of motorists and pedestrians. He poses a danger to the public and, therefore, has no place on our public roads.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.