Gitgitan sa kalsada sa Las Piñas, nauwi sa barilan; ama kritikal, anak sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2019 05:29 AM | Updated as of Jun 06 2019 09:49 PM

MAYNILA - Nauwi sa pamamaril ang gitgitan ng sasakyan sa Las Piñas City Miyerkoles ng hapon.

Sugatan ang mag-amang sina Marlou Baisa, 53 anyos, at anak na si Justine, 24, anyos.

Sa kuha ng cellphone video, kitang tumakbo ang suspek matapos barilin ang mga biktima.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Police Col. Simnar Gran ng Las Piñas City police, nagkagitgitan ang multi-purpose vehicle (MPV) na minamaneho ni Justine at delivery tricycle ng suspek sa isang subdivision sa Barangay Pamplona Tres.

Bumalik si Justine kasama ang ama pero hindi nila alam na may dalang baril ang suspek.

Unang pinaputukan si Marlou habang tinamaan sa hita si Justine. Dinala sila ng isang tricycle sa ospital.

Kritikal at nasa ICU si Marlou dahil sa mga tama ng bala sa katawan, ayon sa pulisya.

Pinaghahanap pa ang lalaking namaril na nahaharap sa kasong frustrated homicide. 

Parehong taga subdivision ang suspek at mga biktima pero hindi umano magkakilala bago ang insidente. 

Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa kaanak ng suspek para pasukuin na ito. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.