Dating pulis, inirereklamo sa di naibalik na P117-M halaga ng investment

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2018 09:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinampahan ng reklamong syndicated estafa ang isang AWOL na pulis sa Parañaque City matapos itong mabigong ibalik ang perang inilagak sa kaniya ng kaniyang mga investor. 

Kuwento ng mga biktima, naengganyo silang mag-invest sa "Low Profile Summit Corporation," isang kompanyang itinayo ng dating pulis na si PO2 Michael Ocampo Yap.

Karamihan sa mga nabiktima niya ay mga uniformed personnel at overseas Filipino worker (OFW) dahil sa pangakong 20-30 porsiyentong interes kada buwan.

Ayon kay alyas "Linda," isang jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), madali raw siyang nagtiwala kay Yap dahil nakasama na niya ito bago pa man sila pumasok sa serbisyo.

Nasa P1.5 milyon ang pinagtulungang buuin at ipunin ni Linda at ng kaniyang asawa para ipasok sa kompanya ni Yap.

"Kasama namin 'yang si Yap noong hindi pa nag-increase ang suweldo namin, kaya alam niya ang paghihirap namin...Kasama namin siya sa hirap at ginhawa pero pati kami [niloko] niya," hinaing ng ginang.

Nitong Mayo 24, pinadalhan ng demand letter ng mga biktima si Yap pero natapos na ang 10 araw na palugit ay hindi pa rin naibabalik ang higit sa P117 milyon na in-invest nila. 

Dito na sila nagdesisyon na magsampa ng reklamong syndicated estafa sa Parañaque City Prosecutor's Office laban kay Yap at apat na iba pa.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang opisina ng Low Profile pero sarado na ito.

Nagpaunlak ng panayam si Yap at depensa niya, biktima lang din siya ng isa pang investment scam. 

"Iyung perang ibinigay nila sa akin ay nilagay ko lang sa Wahana. Ang Wahana po nagkaproblema at hindi na ako binabayaran...Kakasuhan na rin po namin ang Wahana. Wala po akong planong manloko, malinis ang konsensiya ko. Ako ay naloko lang din," saad ni Yap.

Sabi ni Yap, sinusubukan na niyang mabawi ang inilagak na pera sa ibang kompanya, na siya namang gagamitin niya para maibalik ang perang inilagay ng mga biktima sa Low Profile.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.