3 patay sa madugong drug raid sa Sarangani

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2018 03:03 PM

ALABEL, Sarangani Province - Patay ang tatlong drug suspects sa ikinasang magkahiwalay na raid ng awtoridad nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon sa awtoridad, nanlaban umano ang mga suspek kaya humantong sa palitan ng putok. Pinabulaanan naman ito ng pamilya ng mga namatay sa raid.

Sabi ng kinakasama ng isa sa napatay na mga suspek, nakarinig na lang siya ng putok ng baril pero dalawang oras pa niya nalamang patay na pala ang kinakasama sa Purok 4, Barangay Cogonal.

“Hinila ako sabi ng isang pulis labas daw ako para i-safety niya ako, naiwan yong mga anak namin sa loob ng isa pang kwarto, gusto kong bumalik pero hinarang nila ako,” pahayag ng kinakasama ng suspek.

Ipinasok umano ng raiding team sa isa pang kwarto ang mga bata nang manlaban na ang suspek sa kanila. Nakuha umano sa loob ng bahay ang isang kalibre .38 na baril at walong pinaghihinalaang pakete ng shabu.

Sunod namang pinasok ng raiding team ang bahay ng isa pang suspek sa Purok 8-A, Barangay Poblacion at narekober di umano sa kwarto niya ang 10 sachet ng hinihinalang droga at isang sub-machine gun.

Giit ng kaniyang pamilya na nakita pa nilang nakataas ang mga kamay ng kaanak nang barilin umano siya ng miyembro ng raiding team.

Samantala, isa namang dating sundalo ang napatay rin sa isa pang raid sa Purok 3, Barangay Poblacion. Narekober umano sa bahay ng suspek ang isang sub-machine gun, kalibre .22 na pistola at anim na pakete ng droga.

Kinontra rin ng kaniyang pamilya ang alegasyon na nanlaban siya kaya nabaril at napatay sa raid.

Sa record ng pulisya, higit 60 na ang napatay sa anti-illegal drugs operation sa loob lang ng anim na buwan sa Region 12.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.