DILG: Mga sabungan bawal pa rin buksan

Arianne Merez, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2020 11:33 AM | Updated as of Jun 05 2020 01:08 PM

MAYNILA- Bawal pa rin buksan ang mga sabungan sa kahit saan sa Pilipinas, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Biyernes.

Inaabisuhan ang mga lokal na pamahalaan na huwag munang payagan ang mga sabong sa kanilang mga lugar hangga't wala pang direktiba ang Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF), ani DILG Undersecretary Jonathan Malaya.

"Bawal po ang sabong hanggang ngayon," ani Malaya sa isang virtual briefing.

Dagdag pa ni Malaya, nakarating sa DILG ang ilang ulat na may mga lugar na pinayagan na muli ang pagsasabong.

Wala umanong direktiba na puwede na ang sabong kahit ang isang lugar ay napasailalim na sa general community quarantine o GCQ, at modified GCQ, aniya.

"Our advice to the various LGUs, mag-antay po tayo ng kaukulang direktiba sa IATF bago po natin payagan ang operasyon ng mga sabungan o cockpit arenas whether in a GCQ area or MGCQ area," ani Malaya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.