Rescue chopper, nag-emergency landing sa Masbate

Gerard Lorbes, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 12:38 PM

May 10 pasahero at 2 piloto ang S-70A Black Hawk rescue helicopter ng Philippine Air Force na nag-emergency landing sa Iniwaran Islet sa Masbate. Larawan mula kay Reah Gigante Monterde-Carabio

SAN PASCUAL, Masbate – Nag-emergency landing sa Iniwaran Islet sa bayang ito ang rescue helicopter na nagkaaberya, Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa San Pascual Police, alas-8:20 ng umaga nang mag-landing sa maliit na isla ang S-70A Black Hawk helicopter ng Philippine Air Force dahil sa umano’y engine discrepancy.

Galing Maynila at patungong Masbate City sana ang helicopter na may 10 pasahero at dalawang piloto.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Isang oras ang biyahe papuntang Iniwaran gamit ang motorized banca galing sa Poblacion.

Binabantayan na rin ng pulisya at mga miyembro ng Philippine Army augmentation force ang nasiraang helicopter.

Hindi pa masabi ng puisya kung sinu-sino ang mga nakasakay sa helicopter at kung ano ang misyon ng mga pasahero nito sa Masbate.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.