Pagkakaisa, kapayapaan sa Mindanao hangad sa pagdiriwang ng Eid'l Fitr

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 12:53 PM | Updated as of Jun 05 2019 07:22 PM

Libo-libong mga Muslim ang dumalo sa Quirino Grandstand sa Maynila para sa morning prayer. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATED) - Ipinagdiwang ng milyon-milyong Muslim sa bansa nitong Miyerkoles ang Eid'l Fitr o ang pagtatapos ng buwan ng Ramadan. 

Isang buwang nag-ayuno ang mga Muslim, kung saan hindi sila kumakain o umiinom bago sumikat ang araw hanggang bago ito lumubog.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Quirino Grandstand sa Maynila, libo-libo ang dumalo para sa morning prayer. 

Nagmistulang piyesta ang pagdiriwang sa dami ng pagkain na pinagsaluhan ng mga pamilya. 

Pero bukod sa salo-salo, mas malalim ang ibig sabihin ng Eid'l Fitr sa mga Muslim. 

Ayon kay Ali Abdulmajeed, ang Grand Imam of the Philippines, simbolo ito ng pagkakaroon ng pagkakaisa sa buong mundo at pagkakaroon ng pananampalataya kay Allah. 

Marami rin ang dumalo sa selebrasyon sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City. 

Ang iba, Martes pa nagdiwang ng Eid'l Fitr dahil sa kalituhan kung kailan ang petsa ng pagdiriwang. 

Dalangin ng mga deboto na makabangon na ang mga Muslim sa Marawi. 

KAPAYAPAAN SA MINDANAO HINAHANGAD 

Sa La Paz Plaza sa Iloilo dumagsa ang ilang taga-Marawi City na naapektuhan ng giyera at kaguluhan sa lugar. 

Nagtipon-tipon doon ang mahigit 3,000 na mga Muslim sa lugar. 

Panawagan nilang magkaroon ng pagkakaisa at kapayapaan sa Mindanao.

Ayon sa tagapagsalita ng Muslim community sa Iloilo na si Sultan Sammy Hajimanan, mahalaga sa kanila ang Eid'l Fitr dahil ito ang araw ng pasasalamat at paghingi ng kapatawaran sa kanilang mga nagawang kasalanan sa kapwa-Muslim.

Dagsa rin ang mga Muslim sa Sultan Hassanal Bolkiah Grand Mosque sa Cotabato City para manalangin. 

Halos isang kilometro naman ng kalsada sa RT Kim Boulevard ang sinakop ng 8,000 debotong Muslim sa Zamboanga City. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabilang sa mga dumagsa ang OFW na si Asmalyn Sanday na umuwi pa galing Saudi Arabia para makapiling ang pamilya sa Pilipinas. 

"Mas happy kasi at least magkakasama kami sa sacrifice at pag-pray together," aniya. 

Hangad din niya ang pagkakabuklod ng komunidad ng mga Muslim at Kristiyano sa buong bansa. 

Namahagi naman ng mga food packs at panghimagas ang Office of the Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Cotabato City. 

Hangad naman ng mga dumalo na manatiling gabay ang turo ng Islam kahit tapos na ang Ramadan. -- May ulat nina Jervis Manahan, Ernie Manio, Noning Antonio, at Arianne Apatan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.