P1.2-M halaga ng 'shabu' nasamsam sa 7 suspek sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 03:42 PM | Updated as of Jun 05 2019 04:02 PM

Tinatayang nasa P1.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa 7 tao hinuli dahil sa pagsusugal sa Makati City noong hapon ng Martes.

Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City police, dinampot ng kanilang mga operatiba ang 7 suspek sa may Magnolia Street, Barangay Rizal 4:45 ng hapon habang lumalahok ang mga ito sa ilegal na sugal na cara y cruz.

Ikinasa ng Makati police ang operasyon laban sa mga suspek matapos umano silang makatanggap ng impormasyon ukol sa pagsusugal ng mga suspek.

Nang kapkapan, nakuha umano sa isa sa mga suspek ang 2 plastic bag at isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 165 gramo.

Nakuhanan din ang isa pang suspek ng isang sachet ng hinihinalang shabu.

Dinala sa Makati City Police Station ang mga suspek at inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanila.

--Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.