Mga sinehan may kapangyarihan bang magbawal ng ilang pagkain, inumin?

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 06:22 PM

MAYNILA — May awtoridad ang pamunuan ng mga pribadong establisimyento kung ano ang puwede at bawal ipasok na pagkain at inumin sa kanilang nasasakupang lugar, ayon sa isang abogado. 

Binanggit ito ni Atty. Claire Castro sa kasagsagan ng pagbatikos sa isang mall matapos nilang ipagbawal ang pagpasok ng ilang pagkain sa loob ng kanilang sinehan - na kinalauna'y binawi din. 

Ayon kay Castro sa "Usapang de Campanilla," wala namang batas na nagbabawal sa mga mall na magpatupad ng naturang patakaran. 

"Hindi talaga natin sila mapipipigil kasi wala tayong karapatan... kasi ang papasok sa sinehan, kahit sabihin natin na it's a public place may nagma-manage dito eh," ani Castro. 

Pero babala ni Castro, posibleng magkaroon ng negatibong epekto ang naturang patakaran sa mga kostumer ng establisimyento. 

"Ang pinipigilan mo rito is 'yung parokyano mo... Kinukuha mo 'tong parokyanong ito to please them tapos bigla mong pipigilan na bumili sa mall mo. Di ba?" aniya. 

Kung ayaw umano sa patakaran ng mall ay maaari na lang maghanap ng mall na walang pagbabawal.

"May choice tayo na maghanap ng sinehan na lenient sa ganitong bagay," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.