7 teenager huli sa 'pagnakaw' ng P500,000 sa tindahan sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 05:10 PM

RAMON, ISABELA- Arestado ang pitong teenager na sangkot umano sa pagnanakaw sa isang tindahan sa palengke ng barangay General Aguinaldo sa bayang ito noong Linggo ng gabi.

Ayon kay Police Cpt. Abdel Aziz Maximo, hepe ng Ramon Police, inakyat ng mga suspek ang gate sa likuran ng establisimento saka sinira ang bintana nitong gawa sa bakal.

Naghalughog ang mga suspek kung saan kinuha nila ang ilang personal na mga gamit at ang humigit-kumulang 500, 000 halaga ng pera.

Pero kinabukasan ay sumuko sa mga pulis ang isa sa mga suspek dahil nakonsensiya umano sa kanilang ginawa. Itinuro rin niya ang mga kasabwat sa pagnanakaw na agad namang inaresto sa hot pursuit operation.

Pinakabata sa mga suspek ay 14-anyos habang ang pinakamatanda ay 18-anyos.

"Itong 18 anyos ay dati nang na-involve sa ganito ring insidente. Posibleng naimpluwensiyahan na lang niya itong mga mas bata,” sabi ni Maximo.

Mariin namang itinanggi ng 18-anyos na suspek ang paratang at iginiit na ang isa niyang kasama ang nagpumilit na pasukin ang tindahan.

Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang posibleng pagkakasangkot ng anak ng may-ari ng tindahan.

"Lumalabas kasi na kaibigan ng mga suspek itong isang anak ng may-ari nung tindahan. Sabi pa ng mga suspek, hindi nila alam ang pasikot-sikot sa bahay kung hindi dahil sa kaibigan nila," dagdag ni Maximo. 

Mahigit 100,000 na pera ang nabawi sa mga suspek dahil ang iba ay ibinili ng mga damit at gadget na nagkakahalaga ng mahigit P100,000 - na narekober din ng mga pulis. 

Sinampahan na ang mga suspek ng reklamong robbery by use of force upon things.

Pero dahil mga menor de edad, inilipat muna sila sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development o DSWD at kinalauna'y ipinasakamay sa kanilang mga magulang. -- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.