Koreano nagpanggap na mamamahayag, nangingikil, timbog sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2018 12:46 PM

MANILA - Nakatakdang ipa-deport pabalik ng South Korea ang isang Koreanong nagpanggap bilang isang mamamahayag upang makasamsam ng 42.2 million won, ayon sa Bureau of Immigration.

Ang 39-anyos na si Yun Jong Sik, na wanted sa sunod-sunod na kaso ng panloloko, ay naaresto sa Guadalupe, Makati noong ika-23 ng Mayo, sabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente sa isang pahayag na isinapubliko, Martes.

Nagpapakilala umano si Yun bilang isang mamamahayag sa Korea at nangingikil ng pera sa kaniyang mga biktima, sabi ni Morente.

Naglabas ang korte sa Korea ng 4 na warrant of arrest laban kay Yun dahil sa 16 na beses na panggagantso umano nito sa South Korea mula Agosto hanggang Setyembre 2013, ani Dana Krizia Sandoval, tagapagsalita ng Bureau of Immigration.

Nagtatago si Yun sa Pilipinas sa loob ng 10 taon, ani Sandoval.

Lumalabas sa datos ng Immigration na dumating si Yun sa bansa noong ika-2 ng Oktubre 2008 at hindi na umalis pa magmula noon, dagdag ni Sandoval.

Bukod sa mga nakabinbin na kaso, expired na ang passport ni Yun kaya't itinuring na siyang undocumented alien dito sa bansa, sabi ni Sandoval.

Pansamantalang nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.