Detainee na pumuga sa CamSur, tiklo

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2018 06:31 PM

Nahuli muli nitong Martes ang isang detainee ng Bombon, Camarines Sur police station matapos pumuga noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang tumakas na si Jerome Sarion, 25, na naaaresto noong Sabado dahil sa kasong robbery.

Ayon sa pulisya, sinamantala nito ang pagkakataon na i-dineploy sa mga paaralan ang karamihan sa Bombon Police para sa balik-eskwela. 

May isang pulis na natira sa istasyon pero abala sa pagba-blotter.

Ayon kay PO2 Maryan Peñas, tagapagsalita ng Bombon Police, gumamit si Sarion ng maliit na alambre para mabuksan ang kandado ng kulungan.

“May possibility po na pagkatapos mabuksan ang kulungan, dumaan ito sa maliit na butas ng male CR," ani Peñas.

Inaresto ang suspek sa bahay ng kaibigan ng kaniyang ama sa Brgy. San Antonio, Bombon. 

Pagkatapos dalhin sa korte, itinuloy ang turn-over kay Sarion sa Tinangis Penal Farm sa Pili, Camarines Sur.

Humingi na rin ng tulong ang Bombon Police sa lokal na pamahalaan na mapondohan ang pagpapaayos ng custodial facility dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.