Baha at bakbakan, problema sa pasukan

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2017 08:45 PM | Updated as of Jun 06 2017 01:59 AM

Nagsimula na rin ang pasukan sa mga probinsiya. Pero sa unang araw ng balik-eskuwela, suspensiyon ng klase agad ang bumungad sa ilang paaralan. 

Kanselado ang pasukan sa ilang pampublikong paaralan sa ikalawang distrito ng Maguindanao dahil sa patuloy na operasyon ng militar kontra Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Sa Sarangani, sinuspinde ang klase sa ilang paaralan sa Maasim at Kiamba dahil sa kumalat na impormasyong magkakaroon ng bakbakan.

Ayon sa mga pulis, tinambangan ng armadong grupo ang sasakyan ng tropa ng 27th Infantry Battalion kung saan isang sundalo ang sugatan.

Bahang eskuwelahan 

Sa Maguindanao ulit, halos isang buwan nang baha sa Pagatin Elementary School sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha.

Sa tala ng Department of Education (DepEd) Maguindanao, aabot na sa 38 paaralan sa buong probinsiya ang apektado kaya ipinatutupad ng DepEd ang “education in emergency situation” para maipagpatuloy ang klase.

Wala ring estudyanteng makikita sa school grounds ng Muamad Elementary School sa Cotabato City dahil lubog pa rin sa baha ang paaralan.

Magsasagawa na lang ng make-up classes para sa mga estudyante.

Sa tala ng City Schools Division Office, 10 paaralan sa Cotabato City ang lubog sa baha nitong mga nagdaang araw dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog.

Sa Igpit Elementary School sa Misamis Oriental, pitong classroom ang hindi ipapagamit dahil luma na at kailangan nang gibain

Kailangan tuloy hatiin sa dalawang shift ang mga klase mula kinder hanggang grade 6, kumpara noong nakaraang taon na hanggang grade 2 lang ang kailangang mag-double shift. 

Pagpasok sa paaralan, pahirapan

Sa Macabebe, Pampanga, kailangan pang sumakay ng motorboat ang mga estudyante para makarating sa paaralan. Habang ang ibang bata, kailangang maglakad nang mahigit isang oras sa putikan para makapasok.

Sa Batangas, 22 classroom ang kailangang gibain sa Mabini Central School na apektado ng lindol noong Abril. Hinati rin sa dalawang shift ang schedule ng klase sa grade 5 at grade 6.

Sa Sorsogon, isang oras na lakaran paakyat at pababa ng bundok at masukal na daan at isang oras din na biyahe sa bangka ang ginugugol ng mga guro marating lamang ang Parina Elementary School sa bayan ng Donsol.

Teacher, 4 oras bumibiyahe 

Ang teacher-in-charge ng paaralan na si Arnaldo Muncal, araw-araw umuuwi kaya nasa apat na oras ang binabiyahe niya para makapasok. Nagrerenta na lang ng bahay at lingguhan kung umuwi sa kani-kanilang pamilya ang tatlong kasamahang guro ni Teacher Arnaldo. 

Bukod sa pagod, mahigit P200 rin ang gastos sa pamasahe. Sulit naman daw ang lahat ng kanilang pagod lalo't ramdam nila ang pagpapahalaga ng mga bata sa pag-aaral. 

Sa Palawan, higit 130 estudyante ang apektado ng sunog noong Sabado sa Puerto Princesa City. Hiling ng DepEd, tulungan ang mga estudyante at guro para makapasok sa eskwelahan.

Bring your own chair

Sa Tacloban City, kani-kaniyang dala ng upuan sa temporary learning spaces sa mga relocation site ang ilang estudyanteng Yolanda survivor. Ang ibang bata, nakiupo na lang sa kanilang mga kaklase.
 
Sa Bohol naman, binalikan ng News team ngayong araw ang barangay Bonotbonot sa bayan ng Buenavista.

Doon nakatira si Jhesa Balbastro na binansagang si 'Dahon Girl' dahil sa paggamit sa dahon ng saging sa isang quiz sa kanilang paaralan noong isang taon. Nag-viral iyon sa social media. Dinala rin siya sa Maynila para magtanong sa mga presidential candidates tungkol sa kanilang plano sa edukasyon sa bansa. 

Matapos ang isang taon, wala pa ring kuryente ang kanilang bahay. Pero, handa siya para sa pasukan. Sabi ng kaniyang inang si Mart Jane Torreon, desidido na makapagtapos si Jhesa na Grade 7 student sa Cangawa National Highschool. Plano niyang gawing propesyon ang pagtuturo.

Namahagi naman ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya, Bantay Bata 163 at ABS-CBN Cebu ng school supplies, mga bag at pagkain sa mga lugar kung saan nangyari ang bakbakan noon ng militar at Abu Sayyaf.

-- Ulat nina Rod Bolivar, Annie Perez, at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.