Task group balak buuin para tutukan imbestigasyon sa pananambang sa alkalde sa Lanao del Sur

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 06:52 PM | Updated as of Jun 04 2020 07:19 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Binabalak ng Cagayan de Oro City Police ang pagbuo ng isang Special Investigation Task Group (SITG) na siyang tututok sa imbestigasyon sa pananambang kay Lumbaca Unayan, Lanao del Sur Mayor Somerado Guro.

"The city director wants the results or the solution of the case the soonest. The city director considers formulation of SITG in the next few days," sabi ni Police Maj. Evan Viñas, tagapagsalita ng Cagayan De Oro police.

Hunyo 3 nang tambangan si Guro ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na magkaangkas sa motorsiklo sa Barangay Iponan.

Papunta sana ang alkalde sa Marawi City upang dumalo sa pagpupulong ng Lanao del Sur Provincial Inter-Agency Task Force Against COVID-19.

Sugatan ang alkalde at driver pero nasawi ang buntis na asawa ng mayor na si Rohaifa.

Hihintayin naman ng Police Regional Office 10 ang rekomendasyon ng city police office para sa SITG upang masuportahan sila sa gagawing imbestigasyon.

Una nang sinabi ng mga pulis na kabilang sa mga anggulo na kanilang tinitingnan sa pananambang ang pulitika at rido o away sa pamilya.

Nagpapagaling pa sa ospital sa Cagayan de Oro ang alkalde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.