Principal pinagpapaliwanag sa paglabag umano sa work from home order sa mga guro

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 01:39 PM | Updated as of Jun 04 2020 07:05 PM

Dini-disinfect ang isang silid-aralan sa General M. Hizon Elementary School sa Maynila. Czar Dancel, ABS-CBN News

MAYNILA – Pinagpapaliwanag ng sangay ng Department of Education (DepEd) sa Central Visayas ang principal ng isang paaralan sa Cebu matapos nitong pagtrabahuhin ang ilang guro sa labas ng kanilang mga tahanan, taliwas sa naunang utos ng ahensiya.

Sa department order na inilabas noong Biyernes, Mayo 29, ipinag-utos ni Secretary Leonor Briones na dapat ay "work from home" lang ang mga guro sa unang linggo ng kanilang balik-trabaho o mula Hunyo 1 hanggang 5 maliban sa mga bubuo ng skeleton workforce, na kailangang awtorisado ng mga regional director.

Pero sa ulat ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT), isang principal mula sa isang elementary school sa Cebu ang nag-utos sa kaniyang mga guro na kunin ang mga enrollment at survey form sa kanilang paaralan, at magbahay-bahay para mai-deliver ang mga dokumento sa mga enrollee.

Pagpapaliwanagin ang principal, na maaaring nakalimot sa alituntunin ng DepEd dahil sa "passion," ayon kay Salustiano Jimenez ng DepEd Central Visayas.

May mga natanggap ding ulat ang ACT – na binubuo ng nasa 200,000 teaching at non-teaching personnel – na may mga guro na nahihirapang ipatupad ang remote enrollment dahil sa limitasyon sa teknolohiya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa mga ulat ng ACT.

"I will not comment on statements of a group that regards our policy issuances as mere 'publicity stunts,'" ani Malaluan, chief of staff ng kagawaran.

Nauna nang sinabi ng DepEd na sinisikap nitong makakuha ng sapat na laptop at tablet na maaaring magamit ng kanilang mga guro sa pasukan, na nakatakdang magsisimula sa Agosto 24.

Nagtakda ang DepEd ng isang buwang enrollment para sa buong Hunyo, kung saan ang unang 2 linggo ay dapat remote enrollment lang.

Sa ilalim ng remote enrollment, maaaring idaan sa mga tawag, text o social media ang pag-enroll para hindi na kailangang lumabas ng enrollee, magulang o guro sa kanilang bahay. Ito ay para maiwasang malantad sila sa banta ng COVID-19.

Sa ibang lalawigan, may mga guro rin na pinupuntahan ang mga magulang o estudyante sa kabila ng utos na remote enrollment.

Sa Magsaysay, Davao del Sur, ilang guro ang binisita ang mga magulang na nakatira sa temporary shelters para mai-enroll ang mga anak nito.

Bukod kasi sa walang cellphone at internet, malayo rin ang mga bahay sa paaralan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Barangay Catalunan Pequeño, Davao City, pahirapan para sa ilang magulang, tulad nina Erma Sasuma at Perlita Valiente, na mai-enroll ang kanilang mga anak.

Kaya pinuntahan nina Sasuma at Valiente ang kapitbahay na isang guro para humingi ng tulong sa enrollment, lalo at wala umano silang cellphone at malayo sa internet cafe.

Sa Cotabato City, may ilang enrollment na naitatawid naman sa pamamagitan ng text at online, pero may iba ring nagbabalak pumunta sa mismong paaralan.

Sa mga nagbabalak pumunta sa mga eskuwelahan, tiniyak ng Cotabato City Schools Division Office na maayos na ipinapatupad ng principals at school heads ang physical distancing at iba pang patakaran para maiwasan ang pagkakasakit.

Puwede rin daw ihulog sa drop box na nasa enrollment areas ng eskuwelahan ang pangalan, learners' reference number, at iba pang detalye. -- May ulat nina Claire Cornelio at Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.