P5.9 milyong halaga ng naipuslit na sigarilyo, nasabat sa GenSan

Kent Abrigana, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 07:29 PM

Idineklara umanong used cartons at paper bonds ang mga kahon-kahon ng sigarilyong tinangkang ipuslit sa General Santos City. Larawan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 12

GENERAL SANTOS CITY - Nakumpiska ng awtoridad ang nasa 1,325 kahon ng smuggled na sigarilyo na may tinatayang halaga na P5.9 milyon sa General Santos City Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa Bureau of Customs at National Bureau of Investigation, galing pa umano sa Vietnam ang ipinuslit na sigarilyo.

Sa isinagawang inventory ng Bureau of Customs, bawat kahon ay naglalaman ng 25 reams ng sigarilyo. Idineklara itong used cartons at paper boards.

Nakatanggap umano ang NBI ng alert order galing sa Davao customs office kaya naglunsad ng operasyon kasama ang Bureau of Customs sa lungsod.

Sa ngayon, nagsasagawa pa ng mas malalim na imbestigasyon ang awtoridad para mabatid kung sino ang may-ari ng mga nasabat na sigarilyo para masampahan ng reklamo.