Mga sidecar puwede na sa highway: Palasyo

Arianne Merez, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 01:53 PM | Updated as of Jun 04 2020 06:58 PM

Drivers wait in line at a tricycle terminal in San Juan City, May 28, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Pinapayagan na ang pagbiyahe ng mga motorsiklong may sidecar sa mga national highway para maibsan ang kakulangan sa transportasyon, ayon sa Palasyo.

Puwede nang bumiyahe ang mga may sidecar sa mga highway ngayong karamihan sa lugar sa bansa ay nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ), ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.

"Pinapayagan na po ngayon ang mga sidecars sa national highways," ani Roque nitong Huwebes.

"'Yan po ay para maibsan ang kakulangan ng transportasyon ngayong nag GCQ na at MGCQ sa maraming areas," dagdag niya.

Ngunit binawi din ni Roque ang pahayag nitong Huwebes ng gabi at nilinaw na bawal pa rin ang mga tricycle at iba pang may sidecar sa mga highway ngunit pansamantala munang itinigil ang paghuli sa mga ito.

Matatandaang naunang ipinanukala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang paggamit ng mga sidecar sa motor ngayong hindi pa rin pinapayagan ang backride o pag-angkas sa motorsiklo. 

Ani Año, lagyan na lang ng sidecar ang motor o bisikleta para masunod pa rin ang physical distancing. 

"Lagyan na lang ng sidecar ang motor puwede na niya isama ang kaniyang misis, ganun nalang po solution habang andiyan pa ang virus," ani Año.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.