Limitadong kostumer, layo-layong stalls ipatutupad sa Greenhills Mall

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 06:01 PM | Updated as of Jun 04 2020 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang pagbabago ang ipinatupad sa nakasanayang dikit-dikit na mga tiangge sa loob ng Greenhills Mall sa San Juan bilang bahagi ng "new normal" bunsod ng coronavirus pandemic.

Mula sa orihinal na 21, 4 na entrance at exit na lang ang bubuksan sa 3 establisimyento sa Greenhills Mall para makontrol ang dami ng mga pumapasok na kostumer.

Limitado na lang sa hanggang 3,000 ang bilang ng mga kostumer na maaaring pumasok sa mall kada araw mula sa dating umaabot sa 70,000.

Bago papasukin sa V-Mall, Tiangge, at Shoppesville, kinakailangan munang dumaan ng kostumer sa metal detector, kung saan kukunan din siya ng temperatura.

"We only have certified entrances sa mall. Lahat yan may posts indicating the number lang ng pwedeng pumasok," ani James Candelaria, head ng trade fair and exhibits sa Greenhills Mall.

Kontento naman si San Juan Mayor Francis Zamora sa nakitang health and safety protocols sa mall, partikular sa bagong layout ng tiangge.

Kung dati ay dikit-dikit ang mga stall, ngayon ay nahati na sila sa mga cluster, na mayroong tig-4 na stall.

Naglagay din ng 3 metrong espasyo sa pagitan ng mga cluster para maiwasan ang pagdikit-dikit ng mga tao.

Nagtalaga rin ng safety officers para sa mahigpit na pagpapatupad ng social distancing.

Ang mga nagbabantay sa stall ay kailangang naka-face mask, face shield at gloves.

Sa mga nagtitinda ng damit, tulad ni Joline Aldeguer, kailangang magpatupad ng one-customer only saka "no fitting" policy.

"Saleslady namin required to wear a mask and shield at all times. May alcohol. May partition ang stall namin basta hindi pumasok basta-basta ang customer," ani Aldeguer.

Sa Greenhills Tiangge, nasa 56 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga stall ang muling nagbukas simula noong Lunes, nang maisailalim sa general community quarantine ang Metro Manila.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.