Kaso ng COVID-19 sa Negros Oriental, umakyat na sa 20

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 06:59 PM

Umabot na sa 20 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Negros Oriental matapos magpositibo ang isang 39 anyos na babae.

Ayon kay Dr. Liland Estacion, Assistant Provincial Health Officer ng Negros Oriental, ang bagong COVID-19 patient ay isang 39 taong gulang na ina na nakatira sa Dumaguete City.

Ani Estacion, dinala noon sa Negros Oriental Provincial Hospital ang pasyente dahil sa hirap sa paghinga.

Isinailalim siya sa swab test habang nasa ospital at na-discharge siya noong Mayo 26 dahil asymptomatic na siya, ayon sa doktor.

Agad naman siyang dinala sa quarantine facility ng lungsod habang hinihintay ang resulta ng kaniyang swab test.

Miyerkoles ng gabi lumabas ang resulta na nagpositibo siya sa COVID-19.

Nananatili sa quarantine facility ang pasyente at dinala na rin sa quarantine facility ang kaniyang mister at anak.

Sa tala ng probinsya, 20 na lahat ang COVID-19 positive sa Negros Oriental at 16 dito ang active cases.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.