Jeepney operators hati sa planong gawing contact tracers ang mga tsuper

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 02:14 PM

MAYNILA - Hati ang pananaw ng dalawang grupo ng jeepney operators sa mungkahi ng Malacañang na gawing contact tracer muna ng Department of Health (DOH) ang mga tsuper habang hindi pa sila namamasada ngayong may lockdown sa Metro Manila. 

Ang grupong Pasang Masda, pumapayag basta’t isasailalim sila sa tamang protocol at bibigyan ng mga kagamitan, tulad ng personal protective equipment, ayon sa pangulo nilang si Obet Martin. 

“Payag po ang mga Pasang Masda members na maging “contact tracers” as long na sasailalim sila sa tamang protocol at pagsusuot ng PPEs, pansamantalang di pa kami pinapayagang makapasada,” ani Martin. 

Ang grupong Piston, may alinlangan sa pananaw. Anila, tila ginagamit ng gobyerno ang mungkahing ito para bigyang-katuwiran ang pag-phase out ng mga jeep, ayon sa pinuno nila na si George Mateo. 

Pangamba pa ni Mateo na magiging mapanganib para sa kalusugan ng mga tsuper ang gawin silang contact tracers. 

“Kung sa amin medyo hindi kami pabor kasi magiging risky sa health ng mga drivers. Saka parang ginagamit lang yan ng gobyerno para bigyang-katwiran ang di pagbalik sa pasada ng mga drivers na siyang gustong gawin ng mga drivers una para makabalik sa kanilang natural na trabaho,” ani Mateo. 

Makabubuti rin aniya kung makababalik sila sa kanilang pamamasada lalo’t maraming commuter ang wala namang masakyan papasok sa trabaho. 

“Ikalawa para maserbisyuhan ang mga manggagawang mananakay na araw araw nating nakikita na nahihirapan dahil sa kawalan ng public transport dahil patuloy na pinagkakait ito ng gobyerno sa mga mananakay dahil sa layunin ng gobyerno na i-phase out ang jeepney,” ani Mateo. 

Sa pag-arangkada ng general quarantine sa Metro Manila, ipinagbabawal pa muna ang pamamasada ng pampublikong jeep. 

Sa Hunyo 22 pa pinapayagan ng gobyerno ang pamamasada ng mga tradisyunal na jeep, pero kinakailangan nitong sundan ang ilang health protocols. 

Maaalalang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nais nilang gawing contact tracer ang mga jeepney driver bilang hakbang para masugpo ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

"We are actually considering alternative livelihoods for them. There's a suggestion that they be employed as contact tracers because we do need about 120,000 of them and its only only about 30,000 employed so far," ayon kay Roque sa panayam, Miyerkoles.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.