Ilang transaksiyon ng SSS, GSIS, Pag-IBIG puwede nang gawin online

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 06:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Bago pa man pumasok sa tanggapan ng Social Security System (SSS), kailangan munang mag-fill up ng health declaration form para ma-trace sakaling mayroong may sakit, at dadaan muna sa temperature check.

Isa si Joel Ogdol sa mga miyembro ng SSS na nagtungo sa tanggapan para malaman kung saan napunta ang tseke sa salary loan, na aprubado noon pang Marso.

"Nawalan din po kasi ako ng work during COVID," ani Ogdol.

Pinapunta pa si Ogdol sa main office para kumuha ng dokumento na gagamitin sa pag-claim ng tseke niya sa post office.

May iba pa ring transaksiyon sa SSS na hindi pa online.

"Ang online services namin ay nasa membership, contribution and sa loans. So ang natitira na lang natin na face-to-face, over the counter transacations ay iyong para sa filing of benefit claims. For example, sickness, maternity, death, retirement and funeral," ani SSS Spokesman Fernan Nicolas.

Apat na oras namang pumila sa tanggapan ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund si Jun Sorrera para mag-calamity loan matapos mawalan ng trabaho.

Puwedeng mag-online application sa Pag-IBIG pero bukas na rin ang mga opisina nila sa pagproseso ng mga loan at benefit. 

Todo-higpit din ang Pag-IBIG pagdating sa safety protocols.

"Para sa online filing namin, may isang requirement na importanteng importante, ito po 'yong cash card niyo," ani Pag-IBIG Spokesperson Kalin Garcia.

"Kung wala pa kayong cash card, kailangan niyong pumunta ng branch para kumuha," aniya.

Limitado lang ang pinapapasok sa loob ng tanggapan ng Pag-IBIG para makapagpatupad ng physical distancing. Kinukuhanan din ng temperature ang lahat ng papasok. 

Direksiyon din ng Government Service Insurance System (GSIS) ang contactless transactions pero mayroon pa ring pumupunta sa kanilang tanggapan para gumamit ng kiosks.

Kailangang dumaan sa safety protocol gaya ng paghuhugas ng kamay, pagkuha ng temperature at social distancing.

"Kung ang kanilang namang pakay ay para mag-file ng claim, retirement benefits o death claim, kailangan po talaga magsumite sa GSIS ng kanilang application form at ito ay kailangang i-submit over the counter," ani Jun Ebdane ng GSIS.

Mayroon din namang drop box sa GSIS para sa mga ayaw ng harapang transaksiyon. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.