Ilang pasyalan sa Benguet, bukas na sa mga residente

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2020 06:05 PM

Bukas na ang ilang tourist establishment at bilihan ng mga pasalubong sa Baguio pero kakaunti lang ang bumibili. Noel Gapasin

BAGUIO CITY - Bukas na ang ilang pasyalan o tourist sites sa La Trinidad, Benguet matapos ipatupad ang quarantine measures simula nitong mga nagdaang buwan dahil sa banta ng COVID-19.

Pero, mga lokal na residente pa lamang ang papayagang makapamasyal.

Ilan sa mga binuksan ay ang Mt. Kalugong at strawberry farm.

"Sa Strawberry Farm, 50% capacity. Tapos, may schedule yung mag-o-open na tourism establishments," ayon sa municipal tourism officer na si Valred Olsim.

"Sa other sites, ine-encourage namin na. Yung facility kasi nila, puwedeng exercise, mag-walking sa nature parks," dagdag niya.

Binuksan ang mga pasyalan para sa mga residente na gustong mag-hike o maglakad para makapag-ehersisyo.

Bawal pa rin ang mag-picnic.

Bukas na rin ang ilang tourist establishment at bilihan ng mga pasalubong, pero kakaunti lang ang bumibili.

Sa Baguio City naman, Burnham Park pa lang ang tourist site na binubuksan para rin sa mga nais mag-ehersisyo.

Pinag-aaralan pa kung ano ang mga alituntunin sakaling magbukas na ang siyudad para sa mga bisita.

“Even our tourist sites, we want to prepare them for whatever development or clean-up because this is the right time for the development," sabi ni Engr. Aloysius Mapalo, supervising tourism operations officer ng lungsod.

"We want to bounce back better. Part of the plan is to also implement visitors management, meaning we would like to monitor the tourists coming in,” aniya.

Posibleng sa Setyembre pa magbubukas ang siyudad para sa turismo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.